MANILA, Philippines - Dapat umanong limitahan lang sa tatlo ang mga presidential candidates sa nalalapit na 2010 national and local elections upang maging mas madali para sa publiko ang makapamili ng karapat-dapat na kandidato na iluluklok bilang pangulo ng Pilipinas.
Ayon sa poll watchdog na Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), kung kaunti ang bilang ng mga tatakbo sa pagka-Pangulo, mas mataas ang tsansang makapaghalal ng nararapat na kandidato.
Ayon kay Chairperson Henrietta de Villa, sa pamamagitan aniya nito, mas magiging madali sa publiko na kilatisin ang kanilang mga plataporma sa Gobyerno at maiiwasan din umano ang pagkalito ng mga botante.
Dahil dito, umaasa si de Villa na totoo ang mga napabalitang ilan sa mga maugong na tatakbo sa pagka-Pangulo ay magdedesisyon nang magback-out.
Nagtataka si de Villa kung bakit marami ang nais na kumandidato sa pagka-Pangulo ng bansa gayong ito ang pinakamagastos na takbuhing posisyon sa kasagsagan ng kampanya.
Mahirap din aniya na maging independent candidate kung ang pagka-Pangulo ang tatakbuhin dahil sa laki ng kailangang ilabas na pera. (Mer Layson)