Misa suspindido!
MANILA, Philippines - Dahil sa patuloy na pag taas ng kaso ng AH1N1 virus, hindi na magsasagawa ng misa at posibleng tuluyan ng isara ang mga Simbahan ng Katoliko.
Ito ang ipinahayag kahapon ng Catholic Bishops Conference of the Philippines sa pamamagitan ni Caloocan Bishop Deoracias Yniguez dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng swine flu sa bansa.
Aniya, ang pagsususpindi ng misa sa mga simbahan ang kasalukuyang kinokonsiderang hakbang ng CBCP upang makaiwas sa swine flu. Gayunman, inamin ni Yniguez na isang “marahas” na hakbang kung ito ay itutuloy kaya naman masusi pa itong pinag-aaralan.
Sa panig naman ni Health Secretary Francisco Duque III, hindi na angkop sa sitwasyon ang plano ng CBCP dahil mas lalo lang itong magbibigay ng takot sa publiko.
Ayon kay Duque, ang swine flu na tumama sa bansa ay mahinang virus lamang kaya hindi na kailangan na pahintuin ang pagmimisa sa mga tao.
Ipinaliwanag pa ng Kalihim na walang nagsuspindi ng misa sa anumang simbahan sa ibang bansa na tinamaan ng swine flu kahit pa man malakas na virus ang tumama sa kanila.
Una ng pinatigil ng CBCP ang pagsusubo ng ostiya sa bibig ng mga Katoliko, bagkus ito ay inilalagay na lang sa kamay ng mga tao at paghahawak-hawak ng kamay ngunit unti-unti na rin ibinabalik sa ilang simbahan.
Matatandaan din na inatasan ni Pangulong Arroyo ang Department of Health na bumuo at maglagay ng mga mobile testing facilities para ipakalat sa mga apek tadong lugar ng AH1N1 virus, ngunit nilinaw ni Health Undersecretary Mario Villaverde na hindi na ito kinakailangan pang gawin dahil kaya na itong gamutin sa mga rural clinics.
Noong Biyernes, ay 861 kumpirmadong kaso ng swine flu ang naitala ng DOH sa bansa, ngunit ang mga ito ay pawang mga “mild cases” na madali lang gamutin kaya hindi na kina kailangan pa na magkaroon ng pagbabago sa loob ng ospital, lalo pa at may inilaan ng kuwarto ang mga ito sa mga taong pinaghihinalaang may AH1N1 virus.
- Latest
- Trending