MANILA, Philippines - Tiniyak ng Manila Police District (MPD) na handa na sila sa gagawing rally ng mga anti-Constitutional Assembly na gagawin sa Hulyo 30 sa Maynila na inaasahang lalahu kan ng mga mula sa catholic schools at colleges tulad ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM), Adamson, Letran gayundin ang multi-sectoral group at maging ang militanteng grupo.
Sa pakikipagpulong nina Fr. Joe Dizon at Renato Reyes ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) kay Secretary to the Mayor Atty. Rafaelito Garayblas at MPD director Chief Supt. Rodolfo Magtibay, sinabi nito na nakaantabay ang lahat ng mga station commanders at maging ang mga pulis upang matiyak na walang anumang gulo habang nagsasagawa ng paglakad patungong Liwasang Bonifacio.
Ayon naman kay MPD-Station 4 Commander Sr. Supt. Frumencio Bernal, wala namang re-routing na gagawin ang MPD at sa halip ay babantayan at igigiya lamang nila ang daraanan ng mga raliyista.
Sinasabing dadaan ang mga raliyista sa Bustillos at kakanan ng Legarda at saka muling kakanan ng Recto at kaliwa ng Quiapo patungo naman ng Liwasang Bonifacio. Kailangan lamang umanong maging maayos ang daloy ng trapiko at walang mapeperwisyo. (Doris Franche)