RP kasama sa 'AH1N1 hot spots'
MANILA, Philippines - Nakabilang umano ang Pilipinas sa apat na foreign destination na itinuturing na “AH1N1 hot spots” para sa mga Malaysian students na bumiyahe sa abroad kamakailan.
Bukod sa Pilipinas, kasama rin sa tinaguriang AH1N1 hot spots ang United States, Britain at Australia.
Sa report ng Philippine Embassy sa Kuala Lumpur, lumilitaw na nagpalabas ng advisory ang Ministry of Health sa Malaysia na nagpapayo sa kanilang mga mag-aaral na nagmula sa mga naturang mga bansa, na mag-self quarantine sa loob ng pitong araw, pagbalik nila sa Malaysia.
Ang Pilipinas ay pangalawa sa mga bansang may pinakamataas na AH1N1 cases sa Southeast Asia, at ito rin ang kauna-unahang bansa na nakapagtala ng patay sa swine flu sa Asya.
Kasabay nito, tiniyak naman ni Health Secretary Francisco Duque III na hindi magiging no. 1 ang Pilipinas sa may pinakamaraming kaso ng AH1N1 sa buong mundo sa kabila ng pangamba ng marami.
Malabo anyang mangyari ito dahil sa US pa lamang ay may 21,449 na ang nagpositibo sa naturang influenza virus at sa tally ng World Health Organization ay may 59,814 kaso na sa 112 bansa.
Itinanggi rin ni Duque na pinakamabilis ang paglaki ng swine flu cases sa bansa dahil humabol pa nga ang Thailand at nilampasan na ang Pilipinas.
Kaya lamang anya malaki ang bilang sa Pilipinas ay dahil sa pagiging transparent nito kumpara sa ibang bansa tulad ng Indonesia na hindi nagre-report.
Nagtataka lamang si Duque sa WHO kung bakit wala itong ginagawang sanction sa Indonesia na walang ini-report na kaso ng swine flu. (Mer Layson/Doris Franche)
- Latest
- Trending