MANILA, Philippines - Limitado na lamang kina Vice-President Noli de Castro, Defense Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro at MMDA chairman Bayani Fernando ang pagpipilian ng partidong Lakas-Kampi-CMD para maging standard bearer nito sa 2010 presidential elections.
Sinabi ni Presidential Political Affairs Adviser Gabriel Claudio, secretary-general ng Lakas-Kampi-CMD, sa unang pagpupulong ng Lakas-Kampi-CMD national executive committee ay nagkasundo na bumalangkas ng guidelines upang maging batayan ng selection sa magiging kandidato nito sa 2010 elections kabilang na dito ang “winnability”.
Si de Castro ang palaging nangunguna sa lahat ng presidential surveys bagama’t hindi pa ito nagdedeklara ng kanyang intensyong tumakbong presidente sa 2010 kumpara kina Teodoro at Fernando na naghayag na ng kanilang planong pagtakbong presidente.
Naunang sinabi naman ni Executive Secretary Eduardo Ermita, pangulo ng Lakas-Kampi-CMD, ihahayag nila ang shortlist ng kanilang kandidato sa July 31. (Rudy Andal)