LOS ANGELES – Namatay na rin sa sakit na kanser sa edad na 62 anyos nitong Huwebes dito sa California sa United States ang Hollywood actress na si Farrah Fawcett.
Si Fawcett na nakilalang sex symbol at sa kanyang papel sa television series na Charlie’s Angels noon dekada ’70 ay nalagutan ng hininga habang nakaratay sa St. John’s Health Center sa Santa Monica. Tatlong taon siyang nakipaglaban sa anal cancer bago siya binawian ng buhay.
Katabi ni Fawcett sa kanyang kama sa kanyang pagkamatay ang kanyang live-in partner na si Ryan O’Neal.
Sa isa niyang documentary na ipinalabas sa telebisyon noong nakaraang buwan, isiniwalat ni Fawcett ang mga masasakit na pinagdaanan niya habang nagtatangkang ipagamot ang kanyang sakit tulad ng chemotherapy.
Nagpugay sa kanya ang mga orihinal na kasama niya sa Charlie’s Angel na sina Jaclyn Smith, Cheryl Ladd at Kate Jackson.
Mas nakilala si Fawcett bilang bahagi ng fighting-trio na Charlie’s Angel noong 1976.
Iniwanan niya ang show matapos ang isang season pero nagkaroon siya ng mga pelikulang nalugi sa takilya. Nagkaroon siya ng serious roles sa pelikula noong 1980s at 1990s at napuri siya sa kanyang papel ng isang inabusong asawa sa pelikulang The Burning Bed.
Mary Farrah Leni Fawcett sa tunay na buhay, ipinanganak siya sa Corpus Christi, Texas, USA noong Pebrero 2, 1947. Bukod kay Ryan, naulila niya ang anak na si Redmond na 24 anyos na ngayon. (AP)