MANILA, Philippines - Lumobo na sa 861 ang kaso ng A(H1N1) sa bansa makaraang madagdagan ng 134 kumpirmadong ba gong kaso sa loob lamang ng 24 oras.
Bunsod nito, pang-10 na ang Pilipinas sa mga bansang may AH1N1 habang ikalawa sa may pinakamataas na kaso ng nasabing flu virus sa South East Asia, kasunod ng Thailand.
Gayunman, muling iginiit ni Health Secretary Francisco Duque III na hindi pa rin dapat mabahala ang publiko dahil kahit ang mga bagong kaso ay pawang mild cases lamang na natutugunan naman ng ibinibigay na treatment.
Sa bagong 134 kaso, 60 ang lalaki at 74 ang babae, na edad ng 2 hanggang 58. Ang 26 dito ay dayuhan habang 118 ang Pinoy at 20 sa kanila ang may history of travel sa mga bansang apektado ng novel virus.
Binigyang-diin din ni Duque na kahit patuloy sa paglobo ang A(H1N1), bawat araw din ay marami ang nakakarekober sa sakit o kabuuang 634 pasyente ang gumaling simula nang unang maireport ang virus sa Pilipinas noong Mayo 21. (Ludy Bermudo)