MANILA, Philippines – Iginawad ng Bureau of Internal Revenue sa Caloocan City ang Top Taxpayer Awardee sa government category dahil sa pagiging “on–time” at malaking halaga ng pagbabayad ng buwis.
Ikinagalak ni Caloocan City Mayor Recom Echiverri ang nasabing parangal kung saan mula ng maging alkalde ito ay umaabot sa P8M ang buwis na isinusumite nito kada buwan at nabawasan na rin ang utang ng pamahalaang lungsod ng makabayad ito ng P74M mula sa P168M na utang na minana pa nito mula sa dalawang nagdaang administrasyon.
Patuloy naman nagbigay ng kanilang suporta ang local na pamahalaan sa mission at vision ng BIR sa pamamagitan ng pagsusulong nito ng tax collection para sa nation building.
Patuloy din na naghahanap ng paraan ang tanggapan ni Echiverri upang lalong mapagbuti ang tax collection kada taon sa kabila ng nararanasang global recession na nakaapekto sa mga sektor na nagbabayad ng malalaking buwis.