Karapatan ng Manilenyo iginiit sa manifesto
MANILA, Philippines - Hiniling ng grupong Nagkakaisang Manilenyo Tungo sa Pagbabago kay Presidential Peace Adviser Avelino Razon na pangunahan ang kanilang adhikaing maitaguyod at magarantiyahan ang sa ligang karapatan ng mga residente ng Maynila.
Nilagdaan ng kanilang mga miyembro sa isang pagtitipon sa Parola 1, Tondo ang isang manifesto ukol sa kanilang layunin kasabay ng pagdiriwang kahapon sa ika-438 taon ng pagkakatatag ng Maynila.
Kasama ni Razon na tumanggap ng manifesto si dating Congressman Banzai Nieva.
Si Razon na isa ring dating hepe ng Western Police District ay lumaki rin sa Maynila.
“Sama-sama nating ipaglalaban ang mga karapatang ito, at sama-sama tayong maglalakbay upang maisakatuparan ang ating mithiing tunay at makahulugang pagbabago ng mahal nating lungsod,” sabi ni Razon pagkatanggap sa manifesto.
Sinabi ng secretary general ng grupo na si Fernando Rodolfo na nagsawa na sila sa mga pangakong napapako ng mga tradisyunal na pulitiko kaya ipinasya nilang lumapit kay Razon.
Kabilang sa mga karapatang isinaad sa manifesto ang hinggil sa pamamahay, kalusugan, edukasyon, disenteng pamumuhay at kabuhayan. (Doris Franche)
- Latest
- Trending