PGMA magsi-self quarantine
MANILA, Philippines - Magpapatupad ng “social distancing” at self-quarantine si Pangulong Arroyo sa pagdating nito sa bansa mula sa Brazil sa June 27 (Sabado).
Sinabi ni Executive Secretary Eduardo Ermita sa kanyang media briefing, boluntaryong sasailalim sa “self quarantine” si Pangulong Arroyo hanggang sa June 30.
Ayon kay Sec. Ermita, mananatili lamang si Pangulong Arroyo sa Malacañang at wala muna itong mga engagements sa labas ng Palasyo.
Boluntaryo itong gagawin ni Mrs. Arroyo upang masiguro ang kalusugan nito bagama’t naunang sinabi ni Health Secretary Francsico Duque III na hindi na kailangang sumailalim sa quarantine ang chief executive.
Idinagdag pa ni Ermita, sasailalim din sa thermal scanning si Pangulong Arroyo at delegasyon nito sa pagdating nila sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa pag-uwi nito.
Kabilang sa delegasyon ng Pangulo sina Trade Sec. Peter Favila, Foreign Affairs Sec. Alberto Romulo, Press Secretary Cerge Remonde, Sen. Miriam Defensor-Santiago at 10 kongresista.
Samantala, nakahanda rin ang Malacañang na ipagpaliban ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Arroyo na nakatakda sa July 27.
Sinabi ni Ermita na bukas ang Palasyo sa pagpapaliban ng SONA kung hinihingi ito ng pagkakataon kaugnay na rin sa AH1N1 virus kung saan ay mismong empleyada ng Kamara ang nasawi. (Rudy Andal)
- Latest
- Trending