74 bangkay sa 'Princess' huhukayin
MANILA, Philippines - Sinabi kahapon ni Public Attorney’s Office Chief Persida Acosta na ipahuhukay ng PAO at ng mga independent forensic group mula sa University of the Philippines ang bangkay ng mga hindi pa nakikilalang biktima na nasawi sa paglubog ng MV Princess of Stars sa may karagatan ng Sibuyan Island sa may Romblon noong Hunyo 21, 2008.
Sinabi ni Acosta na hihilingin nila sa korte ang pahintulot sa paghuhukay sa mga bangkay makaraang makiusap sa kanila ang mga kamag-anak ng mga biktima.
Mariing tinututulan ng grupong Justice for MV Princess of the Stars tragedy ang paglilibing ng National Bureau of Investigation sa Cebu sa may 74 na bang kay ng hindi pa nakikilalang mga nasawing biktima.
Ayon sa grupo nabigla na lamang sila nang ililibing na ang mga labi na nakalagak sa Cosmopolitan Funeral sa Cebu nang walang pahintulot sa mga kaanak nito.
Marami pa umanong mga kamag-anak mula sa Mindanao at Cebu na hindi pa nakukuha ang kanilang mga kamag-anak na biktima ng paglubog ng naturang barko.
Sinabi rin ng forensic expert na si Dr. Benito Molino na paglabag sa karapatang pantao ang paglibing sa mga natitirang hindi pa nakikilalang biktima.
Samantala, sinampahan na ng Department of Justice ng kasong kriminal sa korte ang may-ari at kapitan ng M/V Princess of the Stars.
Kinasuhan ng reckless imprudence resulting to multiple homicide, damage to property at serious physical injuries sa Manila Regional Trial Court sina Sulpicio Lines first Vice-President Edgar Go at ang kapitan ng barko na si Capt. Florencio Marimon. (Gemma Amargo -Garcia at Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending