MANILA, Philippines - Posibleng mawalan ng mga opisyal ang bansa kung lahat ng mga nahalal na opisyal na magdedesisyong tumakbo sa 2010 elections ay pagbibitiwin sa kanilang mga puwesto ngayon.
Ito ang naging reaksyon ni Commission on Election Chairman Jose Melo sa panawagan ng oposisyon na pagbitiwin sa pwesto si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa sandaling magdesisyon itong maghain ng kandidatura para sa ibang posisyon sa darating na eleksyon.
Sinabi ni Melo na hindi na kailangang magbitiw sa pwesto si Pangulong Arroyo sakaling magdesisyon itong tumakbo sa pagka-kongresista sa Pampanga dahil naamyendahan na noon ang probisyon ng Omnibus election code tungkol sa nasabing isyu.
Iginiit pa nito na kung oobligahing magbitiw sa pwesto ang Pangulo ay si Vice President Noli de Castro ang papalit kung ito naman umano ay kakandidatong presidente, kailangan din itong magbitiw sa puwesto kaya wala nang matitirang opisyal ng gobyerno.
Ipinaliwanag ni Melo na sa mga appointive officials lamang na magnanais na tumakbo sa eleksyon aplikable ang nasabing requirementts. (Gemma Amargo-Garcia)