MANILA, Philippines - Isang 49 anyos na babaeng residente ng Metro Manila na nagkasakit ng influenza A(H1N1) virus ang namatay na siyang kauna-unahang kaso rito sa Pilipinas.
Ito ang kinumpirma kahapon ni Department of Health Secretary Francisco Duque III na naglinaw na inatake sa puso ang naturang pasyente na siya nitong ikinamatay.
Sinabi pa ng kalihim na hindi pa nila makumpirma kung ang A(H1N1) ang sanhi ng kamatayan ng babae bukod sa pagkakaroon nito ng sakit sa puso.
Batay sa autopsy report, “congestive heart failure” at “acute myocardial infarcation” ang ikinamatay nito na pinalala pa ng pnuemonia.
Nadiskubre din ng DOH na sa halip na magpatingin sa pagamutan ang babae ay nag-self-medicate ito at uminom ng paracetamol.
Nasawi umano ito noong June 19 at kinabuksan ay kinuhanan ito ng throat swab sample ng duktor.
Mismong ang pamilya umano ng pasyente ang nagsabing nakararanas ito ng flu symptoms bago nasawi kaya nagsagawa ng pagsusuri ang DOH at saka lamang nakumpirmang positibo ito sa A(H1N1).
Kabilang aniya sa mga ipinakitang sintomas ng pasyente ang ubo, panlalamig at hirap sa paghinga.
Nilinaw pa ni Duque na, bagaman positibo nga sa A(H1N1) ang nasawing biktima, mahirap pa umanong sabihin agad na ang virus nga ang ikinamatay nito dahil sa pagkakaroon niya ng sakit sa puso.
Subalit sa ibang mga bansa, mayorya sa mga nasasawi sa A(H1N1) ay meron nang dating ibang sakit o pre-existing medical conditions.
Sinabi ni Duque na ang mga taong may mga medical conditions gaya ng heart disease at asthma ay mas mataas ang tsansang dapuan ng A(H1N1).
Pinaalalahanan ng Malacañang ang publiko na huwag maalarma sa napaulat na kauna-unahang pagkamatay ng isang ginang na may sintomas ng A(H1N1).
Wika naman ni Deputy Presidential Spokesperson Lorelei Fajardo, walang dapat ikaalarma ang publiko dahil mahigpit na binabantayan ng DOH ang lahat ng kaso ng A(H1N1) sa bansa.
Samantala, ilan pang pamantasan, kolehiyo at paaralan sa Metro Manila ang nagsuspinde ng klase makaraang ilang estudyante rito ang nakitaan ng sintomas ng A(H1N1).
Nasuspinde ang klase ng mga medicine, nursing at rehab student ng University of Santo Tomas sa Manila makaraang maitala na dinapuan ng A(H1N1) ang isang estudyante rito.
Kabilang pa sa nagsuspinde ng klase ang St. Paul College sa Makati City, Adamson University sa Manila, Karangalan Elementary School sa Cainta at Sta. Rosa Central School sa Laguna.