MANILA, Philippines - Inalala ng Simbahang Katoliko ang ikaapat na taong anibersaryo ng kamatayan ni dating Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin kahapon.
Kaalinsabay ng naturang okasyon, binuksan rin sa publiko ang crypt o libingan ng yumaong Cardinal na matatagpuan sa ilalim ng Manila Cathedral sa Intramuros, Maynila.
Si Sin ay nakilala dahil sa malaking papel na ginampanan nito sa tagumpay ng dalawang EDSA people power revolt sa bansa noong 1986 at 2001, na siyang nagpa bagsak sa rehimeng Marcos at administrasyong Estrada, at nagluklok naman sa pwesto kina dating Pangulong Corazon Aquino at Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Ang dating Cardinal ay binawian ng buhay noong Hunyo 21, 2005 bunsod ng karamdaman. (Mer Layson)