Awayan sa PMA Class 76, 78
MANILA, Philippines - Walang namamagitang hidwaan sa mga senior officers ng Philippine Military Academy (PMA) Class 1976 at Class 1978 kaugnay ng paghawak ng matataas na posisyon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ito ang tiniyak ni AFP Chief of Staff Gen. Victor Ibrado bilang reaksyon sa mga kumakalat na mga balita na may namumuo na umanong hidwaan sa pagitan ng PMA Class 76 at ng PMA Class 78.
“Walang awayan sa amin, propesyonal kami,” ani Ibrado.
Si Ibrado ay miyembro ng PMA Class 76. Kabilang pa sa mga tanyag na mistah nito ay sina AFP Vice Chief of Staff Lt. Gen. Rodrigo Maclang, AFP-Central Command Chief Lt. Gen. Isagani Cachuela, Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Ferdi nand Golez, Marine Commandant Major Gen. Ben Mohammad Dolorfino, PNP Chief Director General Jesus Verzosa atbp.
Samantalang pumapaimbulog na ang career ng PMA Class 78 na sinasabing susunod na pioneering class sa pangunguna ni Army Chief Lt. Gen. Delfin Bangit, Air Force Chief Lt. Gen. Oscar Rabena, NCRPO Director Chief Supt. Roberto Rosales, Manila Police District Director Chief Supt. Rodolfo Magtibay atbp.
Nauna nang inintriga ng ilang mambabatas ng oposisyon na mawawala na umano sa ‘limelight‘ ang Class 76 kung saan binansagan pang ‘lameduck’ na umano si Ibrado at susunod namang hahawak ng magagandang posisyon sa AFP ay ang Class 78 na sinasabing paborito ni Pangulong Arroyo.
Si Pangulong Arroyo ay ‘adopted‘ ng Class 78 kung saan nauna nang napabalita na pagreretiruhin nito ng maaga si Ibrado upang iupo si Bangit at si Verzosa na ipapalit naman umano si Rosales na sinasabing malakas sa Palasyo na plano umanong ipatupad bago ang 2010 national elections. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending