Flu vaccine nagkakaubusan na

MANILA, Philippines - Nagkakaubusan na ng stock ng mga flu vaccine sa bansa bunsod ng influenza AH1N1 virus scare.

Ayon kay Dr. Yolanda Oliveros, director ng National Center for Disease Prevention and Control ng Department of Health (DOH), wala namang masama kung maraming tao ang nais na magpabakuna upang labanan ang sakit na trangkaso.

Gayunman, binalaan nito ang publiko laban sa maling paniniwala na sa oras na mabakunahan ay protektado na sila kontra sa AH1N1 at ipinaliwanag na ang naturang flu shots ay panlaban lamang sa regular na seasonal influenza at hindi sa AH1N1 virus.

Sinabi ni Oliveros na bagamat napaulat na mayroon ng nadiskubreng vaccine laban sa AH1N1 ay hindi pa naman ito available sa merkado at hinihintay pa ng DOH ang advisory ng World Health Organization (WHO) bago umorder nito.

Sa kabila naman nito, sinabi pa ni Oliveros na ang pagtaas ng demand para sa flu vaccine ay makatutulong din upang maiwasan ang paglala ng “flu scare” sa bansa at katunayan ay natulungan na rin nito ang pamahalaan sa kanilang kampanya laban sa A H1N1 virus dahil sa dami ng nagpapabakuna ay nabawasan din ang mga tao na tinatamaan ng regular na seasonal influenza sa bansa. (Doris Franche)

Show comments