PGMA, 16 kongresista 'di iku-quarantine
MANILA, Philippines - Makaraang mangako ang pamahalaan ng Brazil at Japan na ligtas ang bansa sa sakit na AH1N1, hindi na rin iku-quarantine si Pangulong Gloria Arroyo at mga kasama nito pag dating sa bansa.
Ayon kay Health DOH Secretary Francisco Duque III, pinanghahawakan nila ang salita ng dalawang bansa na magiging ligtas ang kalusugan ng Pangulo sa lahat ng pagkakataon.
Gayunman, ayon kay Duque, idadaan ang grupo ng Pangulo sa normal na proseso sa airport sa sandaling makabalik na sila sa bansa, gaya ng thermal scanning at health checklist.
Ang Pangulo kasama ang 16 na kongresista at kanilang mga asawa ay umalis patungo sa Japan at Brazil noong June 17 para sa isang official visit. Una nilang tinungo ang Japan mula June 17 hanggang 20, at ang Brazil naman mula June 22 hanggang 25.
Ang Brazil at Japan ay kabilang sa mga bansang mayroon nang kumpirmadong kaso ng influenza AH1N1 virus.
Samantala, kung ang Pangulo ay exempted sa quarantine, mahigpit naman ang kautusan ng Pamahalaan na sumailalim sa 10 day self-quarantine ang mga OFWs na dumarating sa bansa.
Sa inilabas na advisory ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), dapat munang manatili ng 10 araw sa kanilang mga bahay ang mga nagbakasyong OFWs bago mag-report sa kanilang mga agency.
Kung nakararanas din ng flu-like symptoms ang isang OFW kinakailangan itong ipaalam sa kaniyang agency para maipagpaliban muna ang deployment. (Doris Franche)
- Latest
- Trending