RP naghanda vs bagong strain ng A(H1N1)
MANILA, Philippines - Tiniyak ni Health Undersecretary Mario Villaverde na handa ang pamahalaan sa panibagong strain ng AH1N1 flu na nakumpirma ng mga eksperto sa Sao Paulo, Brazil.
Ayon kay Villaverde, halos tulad din naman ito ng AH1N1 virus na nilalabanan ng pamahalaan sa pamamagitan ng mga gamot, quarantine at mga swab test.
Lumabas sa pagsusuri ng Adolfo Lutz Bacteriological Institute sa Brazil na ang A/Sao Paulo/1454/H1N1 ay mas matindi pa kumpara sa AH1N1 na ngayon ay tumama sa maraming bansa kabilang ang Pilipinas.
Sinabi ni Villaverde na walang dapat ikabahala ang publiko at maaring ipatupad din ang mga practical measures para ito’y magamot.
Umaasa din ang DOH na hindi na ito mag-mutate o magbago sa mas delikadong virus tulad ng SARS.
Sa katunayan umano ay binabantayan na rin nila ang second wave na tinatawag na pagbabago ng strain virus kapag nagsimula na ang winter months sa southern hemisphere.
Bilang precautionary measure, ipinaalala na rin ng DOH sa delegasyon ni Pangulong Arroyo na mag-ingat sa pagpunta sa Brazil.
Tuloy umano ang biyahe ng Pangulo sa Brazil at kailangan lamang na magsagawa ng social distancing at palagiang paghuhugas ng kamay.
- Latest
- Trending