MANILA, Philippines – Dahil sa madalas na pagbiyahe sa ibang bansa ay nabansagang “Junket Queen” ng kanyang mga kasama sa House of Representatives si Congresswoman Ma. Laarni “Lani” Cayetano ng Unang Distrito ng Taguig-Pateros.
Ayon sa isang source, ginagamit umano ni Congw. Cayetano ang kanyang pribilehiyo bilang mambabatas upang pumunta sa iba’t ibang bansa, kaya naman siya ay tinagurian bilang “one of the most travelled House members in the 14th Congress.”
Nitong 14th Congress ay nag-junket ang mambabatas sa South Africa, Russia, New York, Amsterdam, Egypt, Hongkong at Macau. Kamakailan ay nag-luxury European cruise din ang lady solon.
Si Cayetano ay miyembro ng minorya sa mga makapangyarihang komite tulad ng Appropriations, Health, Labor and Employment ngunit bihira siyang lumahok sa mga debate sa mga committee hearings.
Noong Hunyo lamang, nagpunta si Congw. Cayetano sa Saigon, Vietnam sa kabila na may sesyon ang Kongreso. Kasama niya sa abroad ang kanyang asawang si Sen. Alan Peter Cayetano. Ang kanilang mga larawan ay makikita sa Facebook, isang website sa Internet.
Sinabi ng kanyang mga kapwa kongresita na dahil sa kanyang pagpunta sa ibang bansa, tila napabayaan na umano ni Congw. Cayetano ang kanyang trabaho bilang mambababatas at kinatawan ng mga mamamayan ng Taguig at Pateros.
Anila, dapat lumahok si Cayetano sa mga debate sa Kamara at pagsilbihan ang kanyang mga constituent. (Butch Quejada)