Sundalo iniligtas ng dasal
MANILA, Philippines – Tila himala ang pagkakaligtas ng isang 44-anyos na sundalo matapos na 23 tama ng bala ng baril ang tumama sa katawan nito nang tambangan ng Moro Islamic Liberation Front sa Brgy. Libertad, Tungawan, Zamboanga Sibugay noong Marso 19.
“Diyos ko, Diyos ko iligtas mo po ako, nais ko pang mabuhay,” ang panlangin na nasambit ni Army Staff Sergeant Carlito Tanguis, 44, habang pinauulanan ng bala. Siya ay kabilang sa 22 sundalo na binigyan ng financial assistance na nagkakahalaga ng P50,000 bawat isa mula sa Lingap Kawal Foundation sa pamumuno ni Chairman Hermogenes Ebdane Jr. at ret. AFP Chief of Staff Gen. Hermogenes Esperon Jr.
“Mabuti na rin lang at yung backpack na dala ko puno ng denim pants, dokumento at GPS equipment kaya nakatulong rin ito para hindi tumama sa aking katawan ang 23 bala na pinawalan ng mga nang-ambush sa akin,“ lahad pa ni Tanguis sa panayam sa Fort Bonifacio Station Hospital.
Malaki ang paniniwala ni Tanguis na panalangin ang nagligtas sa kanya. Nakatakda naman na isailalim si Tanguis sa panibagong operasyon upang alisin sa kaliwang hita ang bala na bumaon dito. Pinasalamatan din ng naturang sundalo ang LFK. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending