MANILA, Philippines - Patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga nagkaka roon ng influenza AH1N1 virus sa bansa at sa loob lamang ng 24 oras ay umakyat na ito sa 311.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, umaabot sa 64 na bagong kaso ng virus ang kanilang naitala kahapon lamang, 40 ang babae at 24 ang lalake na ang mga edad ay nasa pagitan ng tatlo hanggang 62 taong gulang. Dalawa umano sa 64 na bagong kaso ay mga dayuhan.
Sa kabila naman nang mabilis na pagdami ng AH1N1 cases sa Pilipinas, sinabi ni Duque na wala pa ring balak ang DOH na irekomenda ang pagdedeklara ng “Public Health Emergency”.
Ipinaliwanag ni Duque na pawang mild lamang naman ang mga naitala nilang AH1N1 cases at marami na sa mga pasyente ang mabilis na nakakarekober mula sa virus.
Nilinaw rin ni Duque na ang deklarasyon ng state of calamity sa Jaen, Nueva Ecija kamakailan ay desisyon ng lokal na pamahalaan doon at hindi rekomendasyon ng DOH.
Samantala, personal na binisita rin kahapon ni Duque ang Jaen, ang unang lugar sa bansa na nagkaroon ng community outbreak ng AH1N1 virus, at nakipagpulong sa mga lokal na opisyal roon.
Aniya, sa buong Region 3, umaabot na sa 35 ang kaso ng AH1N1 virus. Sampu dito ay naitala sa Bulacan, 23 sa Nueva Ecija at dalawa sa Pampanga.
Tiniyak naman ni Duque na libre ang lahat ng ser bisyo at gamot sa mga pagamutan para sa mga pasyenteng mayroong AH1N1 virus, base na rin aniya sa direktiba ni Pangulong Arroyo.
Ani Duque lahat ng gastusin sa mga government hospitals ay sasagutin ng gobyerno.