Petisyon vs constituent assembly ibinasura ng Supreme Court
MANILA, Philippines – Ibinasura ng Korte Suprema ang petition ng dalawang abogado na nais pumatay sa House Resolution 1109 upang magkaisa ang mga kongresista sa pagsusulong ng Constituent Assembly kahit na hindi aprubahan ng Senado.
Sa ipinalabas na en banc resolution ng Supreme Court, maituturing aniyang premature at kulang pa sa elemento para ito’y ikonsidera ng korte.
Una ng sinabi sa petition nina Atty. Oliver Lozano at anak nitong si Atty. Evaneline Lozano na ang HR 1109 ay paraan lamang ng Kongreso para mapalawig pa ang termino ni Pangulong Arroyo ng lagpas pa hanggang 2010.
Maituturing din anilang peke at labag sa konstitusyon ang HR 1109 lalo pa at kulang ito sa masusing pagsisiyasat at talakayan ng Kongreso at Senado. Tiyak na inililipat lang umano ng gobyerno ang atensiyon ng publiko sa Con Ass para mapalayo sa usapin ng krisis pang-ekonomiya at iba pang problema nito.
Kasabay nito, naghain din agad ng motion for reconsideration ang mag-amang Lozano sa SC kung saan iginiit na maaaring maging peligroso kung matutuloy ang con-ass dahil magdudulot ito ng malaking epekto at paghina sa ekonomiya ng bansa tulad ng unang sinabi nina Socio economic planning secretary Ralph Recto at Bangko sentral ng Pilipinas Gov. Amando Tetangco. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending