Pinay sa Kuwait hinatulang mabitay
MANILA, Philippines – Pinagtibay ng Court of Appeals ng Kuwait ang parusang bitay sa isang Pinay domestic helper na inakusahang pumatay sa 22-anyos na anak na dalaga ng kanyang amo noong Enero 2007.
Ito ang kinumpirma kahapon ng Department of Foreign Affairs kaugnay ng kaso ng Pinay na si Jakatia Pawa.
Kaugnay nito, inatasan ni Department of Foreign Affairs Secretary Alberto Romulo ang ambassador ng Pilipinas sa Kuwait na si Ricardo Endaya na tulungan si Pawa sa paghahain ng apela sa Kuwait Court of Cassation (Supreme Court) para mailigtas ang buhay nito.
Mariing itinatanggi ni Pawa na pinatay niya ang biktima dahil malapit umano ito sa kaniya sa loob ng limang taon niyang pagtatrabaho sa pamilya nito. Wala rin aniya siyang motibo upang gawin ang naturang krimen.
Naniniwala siya na isa sa mga kaanak ng biktima ang posibleng may kagagawan sa pagpatay.
Pinag-aaralan na rin ng pamahalaan ang paghingi ng tawad ni Pawa sa pamilya ng biktima upang makakuha ng tanazul o letter of forgiveness.
Una nang sinabi ni Endaya na umaasa si lang magiging patas ang judicial system ng Kuwait sa kaso ni Pawa kaya babaligtarin umano ng Kuwait Court of Cassation ang hatol ng Court of Appeals.
Matibay kasi umano ang ebidensiya na walang kasalanan ang Pilipina dahil walang nakitang fingerprint nito sa kutsilyo na ginamit sa pagpatay. (Mer Layson)
- Latest
- Trending