MANILA, Philippines - Pinagbawalan din muna ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Victor Ibrado ang mga sundalo na mag-beso-beso dahil sa pagkalat ng influenza AH1N1 virus sa bansa.
Ito ang nabatid kahapon kay AFP-Public Information Office Chief Lt. Col. Romeo Brawner na nagsabing tinatagubilinan nila ang mga sundalo na maging malinis sa katawan, maghugas lagi ng kamay at iwasan ang pakikipagkamay o beso-beso sa ibang tao.
Binawalan rin ang mga sundalo na gumala sa mga lugar na merong H1N1 tulad sa Jaen, Nueva Ecija.
Nilinaw naman ni Brawner na sa kasalukuyan ay wala pang mga sundalo o maging mga kampo ng militar na apektado ng kumakalat na kinatatakutang virus. (Joy Cantos)