MANILA, Philippines - Nababanaag na o malapit nang makalaya ang nalalabing bihag ng mga bandidong Abu Sayyaf Group na si International Committee of the Red Cross member Eugenio Vagni sa Sulu.
Ito ang kumpiyansang tinuran kahapon ni Armed Forces of the Philippines–Public Information Office Chief Lt. Col. Romeo Braw ner Jr. kaugnay ng patuloy na search and rescue operations ng tropa ng Joint Task Force Comet kay Vagni .
Ginawa ni Brawner ang assessment kaugnay ng madugong engkuwentro ng rescue team sa kidnappers ni Vagni na ikinasawi ng walo sa tropa ng pamahalaan, 17 ang nasugatan habang tinataya namang 10 bandido ang napaslang sa Indanan at Parang, Sulu noong Biyernes at Sabado.
Sa nasabing engkuwento ay mga high value targets ang nalagas sa mga kalaban kabilang ang kapatid ni Commander Albader Parad na si Gadger Parad; Ting at Magtar Jumdail, pawang anak ni Commander Abu Pula gayundin ang isa pa nitong anak na babae na si Armida.
Sinasabing sugatan rin sa naturang bakbakan si Parad at iba pang lider ng mga bandido.
Sinabi ni Brawner na bagaman hindi namataan si Vagni sa encounter site ay papalapit nang papalapit ang tropa ng pamahalaan na napapaligiran na ang kuta ng mga kidnappers. (Joy Cantos)