MANILA, Philippines - Inianunsyo ng Commission on Elections (Comelec) na posibleng sa buwan ng Enero ng susunod na taon ay masimulan na ng National Printing Office (NPO) ang pag-iimprenta ng mga balota na gagamitin nila para sa pagdaraos ng May 2010 automated elections sa bansa.
Ayon kay Comelec Chairman Jose Melo, posibleng sa Enero 4 ay masimulan na ng NPO ang printing ng ballots dahil ang deadline ng paghahain ng certificates of candidacy (COC) ng mga nais na kumandidato sa susunod na halalan ay itinakda nila sa katapusan ng buwan ng Nobyembre.
Sa buwan naman aniya ng Disyembre ay isa sagawa na nila ang deliberasyon sa merit ng mga naturang COC, kaya’t posibleng bago sumapit ang buwan ng Enero ay tukoy na nila kung sinu-sino ang mga kandidato na kwalipikadong lumahok sa halalan.
Ang pangalan ng mga kandidato para sa 2010 national and local elections ay iimprenta sa mga balota kaya’t kailangang pinal na ang listahan ng mga kandidato ng Comelec, bago tuluyang isagawa ang ballot printing.
Tiniyak rin naman ni Melo na walang “extra ballots” na iimprenta, at isang balota lamang ang ilalaan para sa bawat isang botanteng nagparehistro, upang maiwasan ang anumang hinala na magkakaroon ng dayaan sa idaraos na presidential elections.
Ayon kay Melo, umaasa sila na aabot sa 50 milyon ang mga botante na makikiisa sa 2010 automated elections, dahil patuloy pa naman ang isinasagawa nilang registration ng mga botante. (Mer Layson)