DOH: 19 bagong kaso ng AH1N1
MANILA, Philippines - Inihayag ng Department of Health (DOH) na 19 na bagong kaso ng AH1N1 virus ang naitala ngayon kabilang na dito ang 11 mga lalaki mula sa Helera Elementary School sa Jaen, Nueva Ecija at walo naman ang mga babae kasama na ang isang Iranian national.
Bunsod nito, umakyat na sa 111 ang kabuuang bilang na nagkaroon ng naturang sakit sa bansa, bagama’t karamihan aniya sa mga ito ay mayroong mild cases lamang.
Pinayuhan rin ni Health Sec. Francisco Duque III ang mga taong may mahinang resistensya lalo na ang may sakit na HIV virus at lung disease na kailangan ang ibayong pag-iingat makaraang umabot na sa mahigit 30,000 katao ang tinamaan ng naturang sakit.
Samantala, bagama’t nagbigay ng katiyakan ang World Health Organization na katamtaman lamang ang bagsik ng AH1N1 virus na kumalakat sa halos 70 mga bansa sa mundo, nagbabala pa rin ito na posible ang pagkakaroon ng ikalawang bugso o second wave ng hawaan.
Sa pinakahuling tala ng WHO, umaabot na sa halos 30,000 ang naitalang kaso at 145 na ang nakumpirmang namatay sa naturang virus.
Gayunman, muling pinanindigan ng DOH na huwag mangamba o magpanic dahil ginagawa naman ng pamahalaan ang lahat ng paraan upang malunasan ito.
Ayon kay Dr. Eric Tayag, epidemiology chief ng DOH, ang deklarasyon ng global pandemic ng AH1N1 ay hindi nasusukat sa dami ng mga namatay kundi sa bilis ng pagkalat nito.
Dito sa Pilipinas, 32 na ang gumaling sa nasabing virus at dapat anya magpasalamat tayo dahil wala pang malawakang hawaan sa anumang komunidad.
Dagdag pa ni Tayag, hindi rin mabibilang na community outbreak ang mga kaso na naitala sa Jaen, Nueva Ecija.
Sa pinakahuling update ng WHO, 29,669 ang kumpirmadong kaso ng AH1N1 sa buong mundo matapos na makapagtala ng 895 na bagong mga kaso.
Nananatili pa rin naman sa 74 ang kabuuang bilang ng mga bansang apektado ng virus at nasa 145 pa rin na indibidwal ang nasawi.
Inaasahan naman na ng WHO na magpapatuloy ang outbreak sa buong mundo at posibleng tumagal ng isa hanggang dalawang taon.
Magugunitang noong Biyernes, inihayag ng Swiss Drug manufacturer na Novartis na natapos na nila ang unang batch ng bakuna para sa AH1N1.
Sa susunod na buwan ay uumpisahan na ang pag-testing sa mga nasabing bakuna.
- Latest
- Trending