MANILA, Philippines - Hindi lumahok kahapon sa anti-Chacha rally ang isa sa pinakamalaking samahan ng mga non-government organizations sa buong bansa dahil sa kawalan naman umano ng saysay ng naturang aksiyon.
Ayon sa Balikatan People’s Alliance, ginambala lamang ng rally ang pamahalaan ng wala namang anumang maitutulong upang malutas ang mga problema ng bansa.
Binigyang-diin ni Balikatan Chairman Louie Balbago na ang tanging kabutihang idinulot ng rally ay publisidad para sa pansariling planong pulitikal ng mga nagpa simuno nito. Pinuna ni Balbago na lahat na lamang ng galaw ng pamahalaan ay binabatikos ng mga organizer ng rally subalit kahit isa naman sa kanila ay walang maipakitang programa upang mapagaan ang buhay ng Sambayanan. Sinabi ni Balbago na solusyon sa mga problema ng bansa ang kailangan ng Sambayanan, hindi ang walang katapusang pagbatikos ng mga kritikong may pansarili lamang na balak pampulitikal.
Hinamon ni Balbago ang mga organizer ng rally na patunayan munang sila ang mas magandang pag-asa ng bayan bago nila patuloy na guluhin ang bansa sa pamamagitan ng mga walang-katapusang rally. (Butch Quejada)