MANILA, Philippines – Ligtas at mahigpit na seguridad ang ipinatutupad ng National Bureau of Investigation kay dating Police Superintendent Cesar Mancao kabilang ang pagtatalaga ng ‘tagatikim’ ng pagkain o food taster bago isilbi sa kaniya upang hindi malason.
Sinabi kahapon ni Atty. Reynaldo Esme ralda, deputy director for regional operations services, na bukod sa ‘food taster’ ay may bantay itong sniffing dogs sa paligid ng safehouse.
Bukod pa rito, may master list din para sa mga bisitang papayagang makadalaw kay Mancao at maaring pumili lamang ito kung sino ang gusto niyang makapasok sa kaniyang kuwarto habang may nakabantay ding alert team ng NBI. Hindi papayagan maging matataas na opisyal ng gobyerno na makausap o mabisita si Mancao kung hindi kabilang sa master list.
Hindi rin maaring kapanayamin si Mancao ng media o sinumang opsiyal at empleyado ng NBI kung walang pahintulot.
Ang seguridad ay kapalit ng kondisyong handang tumestigo si Mancao sa kasong pagpaslang sa publicist na si Salvador Dacer at driver nitong si Emmanuel Corbito. (Ludy Bermudo)