MANILA, Philippines - Pinaghahandaan na ng prosecution ang paghahain ng mosyon sa korte para maitakda ang pagbasa ng demanda o arraignment laban kay dating Police Senior Superintendent Cezar Mancao kaugnay ng kasong pagpaslang sa public relation man na si Salvador Dacer at sa driver nitong si Emmanuel Corbito.
Sinabi ng clerk ng Manila Regional Trial Court Branch 18 na si Carolina Comon na tatayo pa rin si Mancao sa pagdinig hangga’t itinuturing itong suspek.
Umuwi rito sa Pilipinas noong nakaraang linggo si Mancao makaraang magtago sa Amerika. Takda niyang isiwalat ang mga nalalaman niya sa kaso at ang mga taong sangkot dito.
Sinabi ni Comon na kailangan munang may ihaing mosyon na humihiling na gawing state witness si Mancao bago siya maalis bilang isa sa mga suspek.
Bukod kay Mancao, sangkot din sa krimen ang mga dati niyang kasama sa buwag nang Presidential Anti-Organized Crime Task Force na sina Senior Superintendents Glenn Dumlao at Michael Ray Aquino. Sa huli niyang affidavit, isinabit niya sa kaso si Senador Panfilo Lacson na hepe nila sa PAOCTF at sa Philippine National Police nang mapaslang sa Cavite sina Dacer at Corbito noong taong 2000.
Samantala, may binuong alert team ang National Bureau of Investigation para sa seguridad ng pagdalo ni Mancao sa pagdinig ng Dacer-Corbito double murder case sa korte.
Ngayong buwang ito ay itatakda na ang arraignment laban kay Mancao.
Naunang ipinaliwanag ni Justice Secretary Raul Gonzalez na inilagay sa pangangalaga ng NBI si Mancao dahil isa ito sa inaasahang testigo ng pamahalaan laban sa ibang mga sangkot sa krimen. (Doris France at Ludy Bermudo)