MANILA, Philippines – Nag-iimbak na ng karagdagang suplay ng bigas ang National Food Authority (NFA) upang paglaanan ng suplay ang mga lugar na palagiang hinahagupit ng bagyo tuwing panahon ng tag-ulan.
Sinabi ni NFA Administrator Jessup Navarro, umaangkat na rin umano sila ng dagdag na bigas sa ibang bansa upang matiyak na hindi kakapusin ng bigas sa panahon ng tag-ulan.
Tiniyak din ng ahensya na patuloy ang kanilang pagbebenta ng mga murang bigas sa mga pamilihan para sa mga mahihirap na mamamayan.
Hindi na umano nila papayagang maulit ang naganap noong nakaraang dalawang taon, kung saan umabot sa P50 ang kilo ng commercial rice.
Sa ngayon, P18.25 pa rin ang kada kilo ng NFA rice at P32-P34 naman ang halaga kada kilo ng commercial rice. (Angie dela Cruz)