MANILA, Philippines - Pinayagan na ng Commission on Elections (Comelec) na makaboto sa 2010 elections ang mga bilanggo sa bansa kasunod nang ginawang pag-apruba ng poll body sa resolusyon para sa pagpaparehistro at pagboto ng mga detainee.
Ayon kay Comelec Commissioner Rene Sarmiento, ang pinuno ng technical working group (TWG) para sa detainee voting, kabilang sa mga papayagang makaboto ay ang mga detainee o indibidwal na nasa kulungan ngunit hindi pa napapatawan ng sentensiya, at ipinagpapalagay pa ring inosente kaya’t nananatili pa rin ang kanilang “right of suffrage” o karapatang makaboto.
Napagkasunduan din na ang Comelec ang magpapatupad ng registration at voting ng mga detainee, at hindi ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Ayon kay Sarmiento, matagal nang panahon na hindi pinapayagan ang mga detainee na makaboto dahil na rin umano sa mga legal at administrative limitations. (Mer Layson)