Katrina negatibo sa droga
MANILA, Philippines – Negatibo sa droga ang aktres na si Katrina Halili matapos ang ginawang drug testing dito ng tanggapan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kahapon ng hapon.
Si Halili ay nagtungo sa tanggapan ng PDEA matapos na hindi magpasalang sa drug test nang unang bumisita ito sa nasabing tanggapan noong nakaraang Biyernes dahil sa hindi akma sa schedule nito.
Bukod kay Halili, nagpunta rin si Dr. Hayden Kho Jr., sa naturang tanggapan kung saan nagpasa-ilalim din sa nasabing pagsusuri, ngunit ayon sa PDEA ay hindi kaagad mailalabas ang resulta nito.
Ang dalawa ay sumailalim sa drug test sa pamamagitan ng kanilang ihi taliwas sa naunang napa-ulat na gagamitin sa mga ito ang makabagong pamamaraan para sa pagsusuri.
Subalit, ayon kay Santiago, wala din umanong saysay ang naturang proseso dahil ang tunay na intensyon ng kagawaran ay malaman mula sa dalawa ang sinasabing sindikato nasa likod ng pagpapakalat ng droga.
Magkagayunman, hindi naman umano nila mapipilit si Kho na maisawalat ang tungkol sa sindikato kung ayaw magsalita kaugnay dito, dahil na rin sa banta sa kanyang buhay. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending