MANILA, Philippines – Sa kabila ng matinding pagsira sa kanyang imahe, nakuha pa rin ni Senador Manny Villar ang pulso ng mamamayang Pinoy nang manguna ito sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations.
Si Villar na inaakusahan ng kanyang mga kalabang presidentiable sa C-5 road extension project ay nagtala ng 22 percent approval rating mula sa 7,000 respondents, ayon sa survey ng SWS sa pagitan ng Abril 16 at Mayo 6, 2009.
Nakabuntot kay Villar ang dating nangunguna na si Vice Pres. Noli de Castro na nagtala ng 18 percent. Sumunod sina Senator Francis Escudero at ang pinatalsik na si President Joseph Estrada na kapwa may 14%, Sen. Loren Legarda (10%), Sen. Manuel Roxas (9%), Sen. Panfilo Lacson (6%), Makati Mayor Jejomar Binay (2%), at MMDA chairman Bayani Fernando (1%).
Sa scenario ng limang kandidato, si Villar ay nanguna rin sa listahan na may 27%, sumunod si de Castro (22%), Escudero (19%), Estrada (16%), at Legarda (13%).
Si Villar pa rin ang nangunguna kahit apat na kandidato lang ang maglalaban na may 31 %. Samantalang si de castro ay mayroong 24%, habang si Escudero ay 23% at si Legarda ay 18%.
Kung tatlo lang sila ang maglalaban, si Villar pa rin ang mayroong pinakamataas na botong 37% kumpara kina de Castro na may 30% at Escudero, 27%.
Kung sina Villar at de Castro lang ang maglalaban, mas malaki ang lamang ni Villar sa kanyang 53% kumpara sa 38% ni de Castro.
Samantala, si Escudero ang pangunahing gusto ng mga botante na maging running mate ni Villar na may botong 21% kesa kay de Casto na nakakuha lamang ng 20%. (Butch Quejada/Ellen Fernando)