MANILA, Philippines – Iniulat kahapon ng Department of Education na maayos ang unang araw ng pasukan sa halos lahat ng pa aralan sa buong bansa.
Ilan lamang sa mga problemang sumalubong sa DepEd ang pagbabaha sa mga paaralan sa Malabon at Navotas City na dulot ng pag-ulan kamakalawa ng gabi. Marami sa mga mag-aaral sa mga paaralang binaha sa naturang mga lungsod ang hindi muna pumasok dahil sa baha.
Umaabot naman sa 1,348 reklamo, sumbong at paghingi ng tulong ang natanggap ng DepEd Action Center buhat sa mga magulang at mga guro.
Pangunahing sumbong ang paniningil ng school fees ng iba’t ibang paaralan ngunit nilinaw ng DepEd na kanila na itong inaksyunan kung saan kakastiguhin ang mga opisyal ng paaralan o mga guro na gumagawa pa rin nito.
Nilinaw ni DepEd Secretary Jesli Lapus na ang “anti-tuberculosis, Boys at Girls Scout fees at iba pang bayarin sa grade 5 at 6 ay dapat boluntaryo lamang at hindi rin dapat singilin sa Hunyo ngunit sa pagpasok na sa buwan ng Hulyo.
Inilunsad naman ng Department of Health ang Task Force H1N1 sa mga paaralan kung saan pangungunahan ng mga doctor na nasa ilalim ng DepEd ang paglilibot sa mga paaralan at pagmomonitor sa mga ulat ng kaso ng pagputok ng influenza virus sa mga paaralan.
Alam na umano ng mga ito kung saan at kalian sususpendihin ang mga klase sa oras na makapagtala ng kaso ng naturang virus sa mga mag-aaral.
Kahapon, maraming mga paaralan ang nagpatupad ng programa nilang paghuhugas ng kamay bago papasukin ang mga mag-aaral sa kanilang mga silid-aralan.
Marami namang mga paaralan sa Basilan ang nagsuspinde ng klase dahil sa patuloy na bakbakan ng mga tropa ng pamahalaan at mga bandido malapit sa bisinidad ng mga eskuwelahan. Kabilang sa mga lugar na walang klase ang mga bayan ng Sumajobong, Tuburan at Tipo-Tipo. (Danilo Garcia)