Paglabag ni Villar idinetalye sa Senado
MANILA, Philippines – Nagsimula na kahapon ang ‘adjudicatory hearing’ laban kay Senator Manny Villar kaugnay sa pagkaka-divert ng multi-bilyong right of way sa C-5 road project na kahit hindi dumalo sa pagdinig ang una ay inisa-isa ni Senator Ana Consuelo Madrigal ang mga paglabag na umabot sa 18 insidente.
Isa-isang idinetalye ni Madrigal na si Atty. Ernesto Francisco ang mga paglabag ni Villar ka sama na ang pagiging promotor sa alignment ng C-5 road extension o Manila-Cavite Toll Express Project.
Ginamit umano ni Villar ang kaniyang posisyon at kapangyarihan para mailihis o mabago ang disenyo at plano ng proyekto.
Si Villar umano kasama ang kanyang asawang si Las Pinas Rep. Cynthia Villar ang nagsulong para magawa ang isang kalsada na dadaan sa mga lupain ng dalawang korporasyon ng mga ito partikular ang 35 ektarya sa Golden Haven Memorial Park Inc. at 50-ektarya sa Adelfa Properties Inc.
Ayon pa sa reklamo, sa nasabing P710,970,000 alokasyon ng Kongreso sa Las Piñas-Parañaque Link road, kumita umano ang mag-asawang Villar ng nasa P136,774,077.40 bilang bayad ng gobyerno sa mga pag-aaring subdibisyon na dinanaan ng kalsada o proyekto.
Noong 2008, isiningit umano ni Villar ang halagang P200 milyon sa pambansang badyet para pondohan ang C-5 road project kung saan makikinabang ang dalawang korporasyon na pag-aari ng senador.
Ibinenta umano ni Villar ang pag-aaring lupaing nasagasaan ng right of way sa C-5 road project ng 33 patong ang presyo.
At dahil umano sa paggawa ng bagong C-5 road extension project na dadaanan sa kalsada na ipinagawa ni Villar at sa mga lupaing pag-aari ng kaniyang korporasyon, nasayang at nabalewala ang P1.8 bilyong naibayad ng gobyerno sa orihinal na plano ng kalsada.
Katulad ng inaasahan, pinabulaanang la hat ni Villar ang mga akusasyon sa kanya sa pamamagitan ng isang press release dahil hindi ito humarap sa hearing sa Senado. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending