Pinay na basurera sa HK nakapulot ng P2.1M
MANILA, Philippines - Namumulot lang ng basura sa Hong Kong para mabuhay doon ang 38 anyos na Pilipinang si Mildred Perez pero, gayunman, isinoli niya sa kinauukulan ang $350,545 (P2.1 milyon) na napulot niya sa isang tambakan.
Umaabot lamang sa P228 o HK$38 ang kinikita ni Perez kada araw sa pamumulot ng mga mapapakinabangang basura pero hindi niya pinagkainteresan ang napulot niyang pera.
Natigil sa paglilingkod sa kanyang amo si Perez nang pagtangkaan siya ng masama ng amo kaya ipinagharap niya ito ng kaso sa korte.
Habang nakabinbin at dinidinig ang kanyang kaso ay pinagbabawalan siya na magtrabaho sa ilalim ng batas ng Hong Kong o makauwi sa Pilipinas kaya ang pagpupulot ng basura ang kanyang kinasadlakan upang mabuhay doon.
Napag-alaman na isang nagngangalang “Kitty” ang nagmamay-ari ng nasabing pera nang ipagbigay-alam ang pagkakapulot nito sa Hong Kong Information Centre na siyang tumutunton sa naturang may-ari ng salapi.
Isa namang lata ng cookies ang ibinigay kay Perez bilang pasasalamat sa pagsoli niya ng malaking halaga ng salapi. (Ellen Fernando)
- Latest
- Trending