MANILA, Philippines - Dumating na sa United States ang mga tauhan ng National Bureau of Investigation para sunduin at samahan pabalik sa Pilipinas si dating Police Senior Superintendent Cesar Mancao II.
Umalis na noong Biyernes ng gabi patungo sa Los Angeles, California sa U.S. sina Ricardo Diaz at Claro de Castro Jr., hepe ng anti-terrorism at Interpol division ng NBI, ayon sa pagkakasunod.
Inaabangan ang pagdating ni Mancao para sa kanyang testimonya sa kasong pagpaslang sa publicist na si Salvador Dacer at driver nitong si Emmanuel Corbito noong Nobyembre 2000.
“Pinapunta ko na sila (mga opisyal ng NBI) sa U.S.. Nabalitaan ko na inutos na ng US Marshall na dalhin si Mancao sa Los Angeles. Ibig sabihin, wala nang sagabal sa kanyang pagbalik,” sabi ni Department of Justice Secretary Raul Gonzalez sa isang panayam sa telepono.
Sinimulan na anya ng mga opisyal ng NBI ang pakikipag-usap sa US marshall para sa maayos na pagbalik ni Mancao sa Pilipinas. (Edu Punay at Ludy Bermudo)