MANILA, Philippines - Isang anti-crime group ang nanawagan kahapon sa Kongreso na magpatibay ng isang batas na, rito, puputulan ng “ari” ang mga manyakis.
Sinabi ni Volunteers Against Crime and Corruption Founding Chairman Dante Jimenez na, bagaman malupit ang naturang kaparusahan, dapat lamang gawin ito sa mga lalaking tulad ni Dr. Hayden Kho.
Pinatungkulan ni Jimenez si Kho na isang cosmetic surgeon na naging kontrobersyal at inireklamo dahil sa pagkuha niya ng video sa pakikipagtalik niya sa iba’t ibang babae katulad ng aktres na si Katrina Halili. Kumalat sa internet ang naturang mga sex video.
Sinabi ni Jimenez sa isang panayam na isusumite nila sa Kongreso sa susunod na linggo ang kanilang panukala at umaasa silang gagawing legal ng mga mambabatas ang parusang pagputol sa ari ng mga sex maniac.
“Sa kaso ni Dr. Kho, maraming babae ang maililigtas. Kung meron kang anak na babae na biniktima ng maniac na tulad ni Kho, ‘di ba mas gugustuhin mo ang mas mabigat na hakbang?,” sabi pa ni Jimenez.
Sa pagbuo ng kanilang panukala, inihalimbawa ni Jimenez ang kaso ni Lorena Bobbit ng Manassas, Virginia, United States na pumutol sa “ari” ng mister nito dahil sa pagpipilit ng lalaki na makipagtalik dito ang babae noong 1993.