MANILA, Philippines – Patuloy na nadadagdagan ang bilang ng mga indibidwal sa Pilipinas na kumpirmadong infected ng influenza AH1N1 virus matapos ihayag kahapon ng Department of Health (DOH) na umabot na sa 16 ang bilang ng umano’y nagtataglay ng sakit na ito.
Nabatid na ang dalawang bagong confirmed swine flu case ay kinabibilangan ng isang 51-taong gulang na babae at isang 21-anyos na lalaki.
Ang dalawa na kapwa Pinoy ay dumating sa bansa noong Mayo 26 matapos na bumiyahe mula sa Estados Unidos.
Umaabot naman sa 29 ang mga bagong hinihinalang kaso ng AH1N1 na inoobserbahan ng DOH upang tukuyin kung may swine flu ang mga ito.
Samantala, pinag-aaralan na DOH na sa bahay na lamang manatili ang mga pasyente, katulad ng karaniwang outpatient.
Ayon kay Health Undersecretary Mario Villaverde, hindi naman kasing panganib ng ilang nalalathala ang tunay na epekto ng AH1N1.
Aniya, ito ay isang karamdamang nagagamot, basta may sapat na patnubay lamang ng mga doktor at sapat na supply ng gamot.
Dagdag pa nito, halos karamihan sa mga natukoy na may influenza virus ay bumubuti na ngayon ang kalagayan, maliban sa isa na may asthma.
Ginawa ng DOH ang nasabing mga pahayag upang susugan ang panawagan ng Malacañang na hindi dapat maalarma ang publiko kaugnay sa nasabing virus, dahil handa naman ang gobyerno para sa ganitong sitwasyon.