MANILA, Philippines - Bawal na ang mga iligal na vendor sa bisinidad ng mga paaralan ngayong darating na pasukan sa Lunes.
Ito ang napag-usapan sa pakikipagpulong ng Department of Education kina National Capital Region Police Office Chief Supt. Arne delos Santos at Metro Manila Development Authority representative Antonio Pagulayan sa pinaigting na paghahanda sa pasukan sa ilalim ng Oplan Balik Eskwela.
Sinabi ni DepEd Asst. Secretary Teresita Inciong na nakatutok sila ngayon sa Metro Manila dahil sa laki nito at dami ng populasyon ng mga mag-aaral. Kailangan umano nila ang tulong ng NCRPO sa pagbibigay ng seguridad kontra sa krimen at sa MMDA sa pagpapanatili sa maayos na daloy ng trapiko sa unang araw ng klase.
Ilang school division superintendents ang humiling ng dagdag na “police visibility” katulad ng Pasay City Division dahil sa mga ulat na tinatawid ng mga batang mag-aaral ang South Luzon Expressway (SLEX) dahil sa kawalan ng pedestrian overpass sa maraming lugar patungo sa kanilang paaralan.
Marami rin ang humiling ng tulong ng MMDA para sa relokasyon ng mga stalls ng mga vendor sa bisinidad ng paaralan dahil sa sanhi ng pagsisikip ng trapiko. (Danilo Garcia)