Minorya ng Senado 'di nakakuha ng TRO
MANILA, Philippines - Nabigong aksiyunan ng Korte Suprema ang petition ng minority block ng Senado na humihiling na pigilan ang Senate Committee of the Whole na pigilan ang pagsasagawa ng imbestigasyon laban kay Senador Manny Villar.
Sa ipinalabas na en banc resolution ng Supreme Court (SC), inatasan nito ang kampo ni Senate President Juan Ponce Enrile na magsumite ng komento laban sa petition ni Sen. Aquilino Pimentel Jr.
Hanggang alas-9 lamang ng umaga sa araw ng Hunyo 2, 2009 dapat maisumite ng kampo ni Enrile ang kanilang komento at hindi na ito palalawigin pa, pagkaraan nito ay saka lamang dedesisyunan ng mga mahistrado ang petisyon ng minority block.
Magugunita na kinuwestiyon sa SC ng minority bloc sa Senado ang ginawang pag-adopt ng Senate committee of the whole sa resolution ng ethics committee na nagsusulong ng imbestigasyon sa sinasabing realignment ng pondo sa C-5 road project extension laban kay Villar.
Una nang kinondena ng mga kaalyado ni Villar ang paglilipat ng reklamo na inihain ni Sen. Jamby Madrigal mula sa ethics committee patungo sa committee of the whole sa pamamagitan lamang ng 12 boto.
Ang transfer umano ng reklamo nang walang quorum ay malinaw na paglabag sa karapatan ni Villar. (Gemma Garcia/Malou Escudero)
- Latest
- Trending