May AH1N1, 14 na!

MANILA, Philippines - Umabot na sa 14 ang bilang ng kumpirmadong kaso ng AH1N1 virus sa bansa pero tuloy ang pagbubukas ng klase sa Lunes.  

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque, bagama’t nadagdagan ng apat ang may sakit nito sa bansa ay wala naman umano silang na­ kikitang sapat na dahilan ng Department of Education (DepEd) upang ipag­pa­liban ang simula ng klase dahil wala pa sa isang porsiyento ang namama­tay sa sakit na ito na iti­nuturing na mild form.

Ang apat na bagong biktima ng influenza ay kinabibilangan ng isang 19-anyos na babae at 7-taong-gulang na batang babae na kapwa nagbi­yahe sa Estados Unidos, at isang 2-anyos na ba­tang babae at 20-anyos na lalaki na pawang na­kasalamuha naman ng mag-inang Taiwanese sa dinaluhang kasalan sa Zambales.

Nilinaw naman ng ka­lihim na ang mga ito ay nag­tataglay lamang ng “mild symptoms” ng na­turang sakit at mas ma­taas pa ang death rate ng sakit na dengue.

Sa kasalukuyan ay mahigpit na minomonitor ng DOH ang kondisyon ng apat at patuloy naman aniyang bumubuti ang kalagayan ng mga ito.

Samantala, nilinaw naman ni Health Under­secretary Mario Villa­verde na walang community outbreak ng AH1N1 virus sa Zambales, kahit pa patuloy na nadarag­dagan ang bilang ng mga nagpo-positibo sa virus na pawang nagsidalo sa isang kasalan sa Zam­bales na dinaluhan ng mag-inang Taiwanese na infected ng swine flu.

Show comments