Sex education ituturo sa high school at elementarya
MANILA, Philippines – Nais ng Alliance of Concerned Teachers na aprubahan ng Department of Education na isama bilang aralin sa high school at elementarya ang sex education.
Sinabi ni ACT Chairman Antonio Tinio, na sa pama magitan nito ay mabubuksan ng tama ang kuryosidad ng mga kabataan hinggil sa sex at mabatid na ito ay may kaakibat na responsibilidad.
“Magkakaroon ng pagkakataon sa paaralan na matalakay ang responsableng asal kaugnay ng sex,” ani Tinio.
Ipinaliwanag naman ni Education Assistant Secretary for Programs and Projects Teresita Inciong na matagal ng isinasama ng DepEd ang paksa sa sex education at ibinibilang na sa Science at Health na aralin ng mga estudyante, ngunit hinarang ito ng Simbahang Katoliko.
Gayunman, sinabi ni Education Secretary Jesli Lapus na sa ngayon ay hinihintay pa nila ang pag-apruba ng Presidential Council on Values Formation (PCVF) kung saan ay pinag-aaralan na ito ng mga guro sa sekondarya sa kanilang ‘Adolescent Reproductive Health Manuals.“
Kasabay nito, nilinaw ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco na hindi tinututulan ng Simbahan ang sex education ngunit ito ay dapat na isagawa ng naaayon sa pananaw ng Katoliko at angkop sa edad ng mga estudyante.
Aniya, dapat din ikonsulta ng DepEd ang pagpapatupad ng sex education sa iba pang sector na may kinalaman dito, bukod sa Simbahang Katoliko at hindi dapat na gayahin ang paraan ng pagtuturo nito sa paraan ng ibang bansa dahil iba ang kultura sa Pilipinas.
Iginiit ng ACTna napapanahon na para ituro sa mga bata ang sex education dahil na rin sa paglipana ng mga sex video sa internet at maging sa mga cell phone. (Joy Cantos/Mer Layson)
- Latest
- Trending