26 minaltratong OFWs sa Qatar nakauwi na
MANILA, Philippines - Dumating na sa bansa ang 26 overseas Filipino workers na umano’y minaltrato ng kanilang mga amo sa Qatar.
Ang mga OFW ay pawang tinulungan ng OFW Helpline ni Nacionalista Party President Sen. Manny Villar dahil sa iba’t ibang problemang dinanas sa kanilang trabaho.
Isang OFW ang dumating noong Mayo 21 kasunod sina Romel Panaligan at Eduardo Baro noong Mayo 25. Kahapon ay dumating din si Arthur Hernandez, Nicky Aguilon at Danilo Javier habang ang 20 iba pa ay itinakda sa mga susunod na araw. Isa pang OFW na si Orlando Barazon ay dating tagapagmaneho ng senador.
“Mula noong mag-umpisa kaming magtrabaho, hindi ibinigay ang buo naming sahod, hanggang sa umabot sa tatlong buwan na hindi na kami pinasahod. Wala nang makain ang aming pamilya sa Pilipinas,” anang mga manggagawa sa kanilang sulat kay Villar.
Nitong Abril 17, nanawagan si Villar sa gobyerno na tulungan ang 35 na nagipit na OFWs na pawang mga nagtrabaho sa Interior Decoration at Furnishing, kasabay ang pag-iindorso ni Villar sa kaso ng mga ito sa Department of Foreign Affairs at Overseas Workers Welfare Administration na nangasiwa ng kanilang pag-uwi.
Ang mga inilikas na OFW ay magtitipon sa Philippine Overseas Employment Administration sa Hunyo 1 para sa planong sampahan ng kaso ang kanilang mga amo at kanilang ahensya. (Ellen Fernando)
- Latest
- Trending