$2.5 milyon reward ng US vs 3 Sayyaf leaders
MANILA, Philippines - Handa ang Estados Unidos na magbigay ng $2.5M para sa agarang pag-aresto sa tatlong lider ng Abu Sayyaf na namumugad sa Western at Central Mindanao.
Sinabi ni Armed Forces of the Philippines–Public Information Office Chief Lt.Col. Romeo Brawner Jr., tiyak na maganda ang magiging resulta ng nasa bing kampanya ng US dahil mas mapapadali ang pagdakip sa mga naturang terroristang si Commander Radulan Sahiron, may patong na $1M, bomb expert na si Abdul Basit Usman, $1M habang si Khair Mundos ay may patong sa ulo na $500,000, at ito rin ang umano’y key leader at financier ng ASG.
Inihayag ni Ian Kelly, spokesman ng Bureau of Public Affairs ng US State Department, na maraming inosenteng babae at kabataan ang nadadamay sa karahasan ng ASG kung saan si Sahiron umano ang responsable sa May 27, 2001 Dos Palmas kidnapping kung saan dinukot ng mga ito sina Gracia at Martin Burnham at Guillermo Sobero na pinugutan ng ulo ng mga ito, habang si Basit ay may koneksiyon umano sa Jemaah Islamiyah at nagtatago ngayon sa Central Mindanao. Si Mundos ay una ng naaresto noong May 2004 ngunit nakatakas sa isang provincial jail noong Pebrero 2007 at iniuugnay sa money laundering charges.
Aniya, kinakailangan na madakip agad ang mga ito, partikular na si Sahiron.Ang gantimpalang $1 milyon sa ulo ni Sahiron ang pinakamataas nang inilaan ng US para sa sinumang tipster sa ikadarakip ng ASG leader. (Joy Cantos/Ellen Fernando)
- Latest
- Trending