MANILA, Philippines – Inaprubahan kahapon ng national council ng makaadministrasyong partidong Kabalikat ng Malayang Pilipino ang pagsanib nito sa Lakas-Christian Muslim Democrats bilang paghahanda sa halalan sa 2010.
Sa naturang pulong din na ginanap sa isang restawran sa Quezon City, inihayag ni Interior and Local Government Secretary at Kampi Chairman Ronaldo Puno ang hangarin niyang ku mandidatong bise presidente.
Gayunman, sinabi ni Puno na susuportahan niya ang sinumang mapipiling kandidatong bise ng koalisyon kung hindi siya ang mapipisil.
Sa Huwebes, magpupulong ang executive board ng nagsanib na Lakas at Kampi at inimbitahang dumalo bilang observer sina Defense Secretary Gilberto Teodoro at Vice President Noli de Castro na kapwa napapabalitaang kabilang sa napipisil na kandidatong presidente ng makaadministrasyong koalisyon.
Ayon kay Lakas Secretary General at Senador Miguel Zubiri, pagbabatayan nila sa pagpili ng standard bearer ang survey rating at ang integri dad at kakayahan ng kandidato.
“Mahalaga ang survey rating pero, sa tingin ko, dapat mas bigyang halaga ang kakayahan at integridad ng kandidato bukod sa pagtanggap dito ng mamamayan bilang susunod na lider ng bansa,” sabi pa ni Zubiri.
Ang nagsanib na mga partido na kapwa tagasuporta ni Pangulong Arroyo ay tatawaging Lakas-Kampi-CMD at takdang iparehistro sa Commission on Elections. (Ricky Tulipat/Butch Quejada)