MANILA, Philippines – Mahigit sa 1,000 preso ang inaasahang makalalaya sa darating na Hunyo 12 kabilang na ang mga may edad na 70-anyos pataas at may 20-taon ng nakakulong sa National Bilibid Prisons (NBP).
Ito ang inaasahan ni NBP Dir. Oscar Calderon sa ginanap na medical checkup kahapon ng umaga sa nabanggit na piitan sa Muntinlupa City.
Kaugnay nito, may 400 inmates naman ng NBP ang nabiyayaan ng libreng medical check-up matapos na magsagawa ng medical mission ang Public Attorney’s Office (PAO), dakong alas-9 kahapon ng umaga.
Ayon kay Acosta, layunin ng naturang programa na masuri ang kalagayan at kalusugan ng mga preso para mabigyan ng libreng serbisyong-medical lalo na sa mga may edad at may mga kapansanan.
Sinabi pa ni Acosta sa kanyang paglilibot sa loob ng naturang piitan ay tatlong preso naman ang kanyang nakita na may mga kapansanan sa katawan na nakilalang sina Jovencio Ranille, 55-anyos, tubong-Timapundan, Samar na bulag ang dalawang mata at 6-taon ng nakakulong sa kasong murder; isang Alias Zaide, 48-anyos, Arab national na baldado na ang kalahati ng katawan dahil sa stroke noong nakaraang taon at 5-taon ng nakulong sa kasong illegal recruitment.
Isa rin dito si Ronald Quisada, 55-anyos na lumpo at 6-taon ng nakakulong sa kasong rape.
Ayon kay Acosta, nakatakdang biyayaan ang naturang mga preso ng executive clemency sa darating na buwan.
Tumulong din ang 30 volunteer doctors at nurse na galing sa iba’t ibang pagamutan sa nasabing medical mission. (Rose Tesoro/Gemma Garcia)