MANILA, Philippines – Tatlong guro na may apat na buwan nang bihag ng mga bandidong Abu Sayyaf sa Basilan ang pinalaya na kahapon ng mga kidnaper.
Kinumpirma nina Basilan Police Director Senior Superintendent Salik Macapantar at Moro Islamic Liberation Spokesman Eid Kabalu ang pagpapalaya kina Janette delos Reyes, 29; Quizon Freires, 28; at Rafael Mayonado na pawang mga guro sa Landang Gua Elementary School sa Sacol Island, Zamboanga City.
Kabilang ang MILF sa tumulong sa negosasyon para mapalaya ang mga guro.
Sinabi ni Macapantar na ang mga bihag ay ipinasa ng mga kidnaper kay dating Tuburan, Basilan Mayor Hadjarun Jamiri sa bayan ng Hadji Mohammad Ajul.
Sinabi ni Kabalu na ang mga miyembro ng MILF na nakabase sa Basilan ay tumulong sa negosasyon para mapalaya ang tatlong guro na naunang kinidnap ng mga bandido noong Enero 23 sa Sacol Island at itinago sa Basilan.
Nabatid na ang mga bihag ay pinakawalan ng mga kidnapper bandang alas-11:42 ng tanghali sa Sitio Birahan, Barangay Candiis, Mohamad Ajul.
Sinabi ni Kabalu na dumulog sa MILF ang pamilya ng tatlong guro matapos na magpalabas ng ultimatum na hanggang 15 araw ang mga kidnappers at kung hindi ay pupugutan ng ulo ang mga hostages.
Nauna nang humingi ng P6 na milyong ransom ang mga kidnappers na naibaba sa P3 milyon at ayon kay Kabalu ay nakatanggap siya ng impormasyon na P2.5 milyon ang naging kapalit sa pagpapalaya sa mga bihag ng grupo ni Sayyaf Commander Aguila.
Sinabi naman ni Basilan Crisis Management Team Chairman Vice Governor Abdulrashid Sakalahul na, bagaman may kumakalat na balita sa Basilan na napalaya na ang mga bihag, hindi pa niya ito maaring kumpirmahin hangga’t hindi naitu-turnover ang mga biktima sa kanilang tanggapan.
Ayon din kay Sr. Supt. Bayani Gucela, tagapagsalita ng Western Mindanao Directorate for Integrated Police Operations, naghihintay pa rin silang lumantad ang tatlong guro na sinasabing napalaya na bago nila ito kumpirmahin.