MANILA, Philippines - Kinumpirma na ng Department of Health (DOH) ang ikalawang kaso ng Influenza AH1N1 virus sa bansa.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, ang ikalawang pasyente na nag-positibo sa virus ay isang 50-anyos na babae na dumating sa Pilipinas galing sa Chicago, sa Estados Unidos noong Mayo 20.
Boluntaryo umanong nagpatingin sa doktor ang pasyente matapos na makaranas ng ilang sintomas ng trangkaso gaya ng ubo at lagnat.
Ayon kay Duque, sa ngayon ay inoobserbahan ang pasyente sa Research Institute of Tropical Medicine (RITM) sa Alabang, Muntinlupa at sinisimulan na rin umano nila ang pagsasagawa ng contact tracing upang matukoy kung sinu-sino ang nakasalamuha ng pasyente at maisailalim ang mga ito sa quarantine.
Ang unang kaso ng swine flu ay kinumpirma ng DOH noong Huwebes, kung saan isang 10 taong gulang na batang babae na galing din sa US, ang nag-positibo sa A/H1N1 virus matapos isailalim sa pagsusuri. Sa ngayon ay mild sore throat na lamang ang dinaranas ng bata at kinukumpleto na lamang ang kanyang anti-viral medication.
Pinaghahanap na rin ng DOH ang mga nakasalamuha ng mag-inang Taiwanese na nagkaroon ng influenza A virus matapos dumalo sa isang yoga workshop sa Pilipinas.
Sa kabila naman ng pagkakakumpirma sa ikalawang kaso ng AH1N1, sinabi ni Duque na wala pang “community level outbreak” ng virus sa bansa kaya walang dapat ipag-panic at ipag-alala ang publiko.
Umaabot na sa 15 suspectect carrier ng virus sa Pilipinas ang kasalukuyang inoobserbahan sa bansa maliban pa sa dalawang nakumpirma ng DOH.
Ayon kay Duque, 10 ang bagong under observation kung saan siyam umano dito ang hinihintay pa ang resulta ng isinagawang laboratory test. Anim naman na previous cases ang pending pa rin ang laboratory test.
Sa kabuuan aniya, may 105 cases na umano lahat ang naitalang suspected cases kung saan 88 dito ang nadischarge na.